Naging matindi ang naging paghahanda ngayong taon ng lungsod ng San Pedro sa pagdiriwang ng Sampaguita Festival kung saan itinampok ang makulay na Grand Parade at Street Dancing Competition noong ika-22 ng Pebrero, 2pm. Nakisaya ang City Hall employees at San Pedronians sa pagtatanghal ng street dancing competition bilang pagpupugay sa kanilang patron na si St. Peter Apostol kung saan nakilahok ang 9 na grupo na mula sa mga pampubliko at pampribadong paaralang elementarya at sekondarya ng nabanggit na lungsod. Ang mga participating groups ay mula sa Pacita Complex National Highschool, San Pedro Relocation Center National Highschool, Galaw Etniko (civic org), Sampaguita National Highschool, San Lorenzo School, Southville 3-A National Highschool, Laguna Northwestern College, Our Lady of Assumption College (OLAC), at Pacita Complex Senior Highschool. Ang non-competing groups ay nilahukan ng mga mag-aaral mula sa Sampaguita Elementary School, Cuyab Elementary School, San Roque Elementary School, Pacita Complex Elementary School, at Estrella Elemenetary School. Ang taunang street dancing competition ay isang tradisyon sa lungsod kung saan ang mga kalahok ay may kaniya-kaniyang pasiklaban ng choreography at props upang manalo. Sinimulan ng marching bands ang programa sa South Fairway Subd., Landayan patungo ng San Roque, hanggang makarating ng city plaza. Tinanghal na kampeon at tumanggap ng P25,000 cash prize at certificate ang Laguna Northwestern College. Pumangalawa at tumanggap ng tig-P20,000 cash prize at certificate ang Sampaguita National Highschool, habang nakuha naman ng Galaw Etniko ang ikatlong puwesto na tumanggap ng P15,000 cash prize at certificate. Bago matapos ang programa ay nagpahayag ng pasasalamat si City Mayor Lourdes S. Cataquiz sa lahat ng nagbigay ng suporta upang maging matagumpay ang pagdiriwang ng Sampaguita Festival. Kabilang sa mga sumuporta sa programa ang Zumba Group, Polytechnic University of the Philippines (PUP), Tribo Magayon, Puregold, Jollibee, Chowking, atbp.
↧