Humigit kumulang sa tatlong libong miyembro ng Samahang Kababaihan/Kalalakihan ng Laguna (SKL) ang dumalo sa isang pagtitipon bilang pasasalamat ni Mayor Lourdes S. Cataquiz sa mamamayan ng San Pedro.
Maluha-luha si Mayor nang abutan niya ang namumutok na mga tao na walang iba kundi mga mamamayan na nagkatipon sa loob at maging sa labas ng San Pedro Astrodome noong Setyembre 24, 2015 sa ganap na ika-6 ng gabi. Kabilang sa mga dumalo ay ang lahat ng mga kinatawan ng departamento ng Pamahalaang Lungsod
Sinabi ni Mayor na siya ay nanliliit at pakiramdam niya ay hindi siya karapatdapat sa pagpapakita ng pagmamahal at pagtangkilik ng mga tao. “I do not deserve this,” ang madamdamin niyang pagpapahayag. Ganun pa man, nagpasalamat siya nang taos puso sa mga naroon na di magkamayaw. Ang iba’t ibang sector ay may kanya-kanyang kinatawan upang magpahayag ng pasasalamat sa mga benepisyong kanilang natanggap. Mga iskolars, mga natulungan sa kanilang karamdaman at iba’t ibang mga pangangailangan.
Isang maikling programa ang inihanda para sa pagtitipon at kinapalooban ng mga awit ng pagmamahal at pakikiisa. Naunang inawit ng mga talentadong magkakapatid na taga Barangay Landayan ang orihinal na awit ni Gary Valenciano, ang “Natutulog ba ang Diyos?” na isa pa ring nakaantig ng damdamin at sa simula pa lamang ay nakapagpangilid na ng luha ni Mayor na kanya namang pinahid nang panyo. Sinundan pa ito ng ilang awit nang pagmamahal sa Diyos at kapwa at sa huli ay ang “Magkaisa” na unang inawit noong EDSA Revolution na sinabayan ng pag-awit ng mga tao at paggalaw ng kanilang kamay na pawang nakataas bilang sagisag ng pagkakaisa. Damang-dama ni Mayor ang suporta ng tao sa kaniyang pamamahala.
Idineklara niyang siya ay tatakbo muli bilang Punong Lungsod kasama ang mga konsehal na sina Delio Hatulan, Marlon Acierto, Diwa Tayao, Edgardo Berroya, Ina Olivarez at Bernadette Olivares.
The post PAKIKIISANG DAMDAMIN NG MAMAMAYAN appeared first on .