SAN PEDRO CITY HALL – Nakipagpulong ang Community Based Monitoring System (CBMS) Barangay Magsaysay Validation sa pamunuan ng Barangay Magsaysay upang talakayin at pagtibayin ang mga datos sa ginawang “survey” o pagsusuri ng barangay ukol sa mga pangunahing suliranin sa nasasakupan na ginanap mula Hulyo ng 2015 hanggang Agosto ng 2016.
Sa temang “CBMS Core Indicators : The 13+1 dimensions of poverty,” tinalakay ng CBMS, sa pamumuno ni Gng. Yvonne Geolingo, ang mga suliraning kinakaharap ng Barangay Magsaysay tulad ng kakulangan sa tamang nutrisyon; pabahay, malinis na tubig, sapat na edukasyon; kita at kabuhayan; at kapayapaan at kaayusan.
Ayon sa datos ng CBMS, lumalabas na 30% na pamilya sa nasabing barangay ang walang magamit na malinis at ligtas na inuming tubig. 22.13% naman ng populasyon ang hindi kumikita ng sapat upang mabuhay ang kanilang pamilya. Habang 10% ang nakararanas ng gutom dahil sa kakulangan ng pagkain. Samantala, 8.93% na pamilya lamang ang nakakagamit ng malinis na “toilet facility,” habang unemployment rate ay sa 5.19%; at 1.6% ang sa mga biktima ng heinous crimes (base sa datos ng Philippine National Police).
Sa pangunguna ni Kapitan Vioquelin B. Pascual Jr, Chairman ng Brgy. Magsaysay; at ni Gng. Geolingo, iminungkahi nla na magsagawa ng mga suhestiyon at programa ang kanilang ahensya upang mabawasan o masolusyonan ang bawat suliraning kinakaharap ng Barangay Magsaysay.