Noong ika-4 ng Agosto, pinamunuan ni City Social Welfare and Development (CSWD) Officer Fatima C. Autor ang pulong ng Nutrition Division ng City Health Office kasama si City Nutrition Action Officer Angelina V. Tapan, ang mga Barangay Nutrition Scholars, Barangay Health Workers, Day Care Workers at mga miyembro ng World Friends Korea Youth Volunteers upang makinig kay Dr. Meera Jang, isang Koreanang dalubhasa sa nutrisyon sa kanyang maikling pagpapakilala sa mga likhang simpleng lutuing masustansya.
Dumalo si City Mayor Lourdes S. Cataquiz sa pulong at ipinahayag niya ang kaniyang pakikiisa sa mga kaibigang nating dumayo pa mula Korea. Hinamon niya ang lahat nang naroroon upang magkaroon nang panibagong pananaw sa pagluluto. Ikinumpara ni Mayor ang mga batang musmos sa Korea na marunong kumain nang maaanghang samantalang ang mga batang Filipino ay hindi kinagawian ang pagkain nito. Sa obserbasyon ni Mayor, malalakas at may resistensya ang mga Koreano dahil na rin sa uri ng pagkaing mayroon sila kung kaya’t hinimok niya ang mga nakikinig na maaaring matuto ang mga Filipino mula sa kanila. Ang pagtitipon ay huli sa isang serye ng paglilingkod ng World Friends Korea kasama si Dr. Jang na nanatili upang makatulong sa ilang barangay ng Lungsod ng San Pedro at ng isang bayan sa Cavite.
Ibinahagi ni Dr Jang kung ano ang ginagawa ng pamahalaang Korea para mapabuti ang kalidad ng nutrisyon sa kanilang bansa. Halimbawa, ang Riboflavin o Bitamina B2 ay itinitimpla sa gatas. Ang gatas ay binibili ng gobyernong Koreano at ipinamamahagi sa mga maliliit na bata na nangangailangan nito. Samantala ang “brown rice” o pulang bigas ay mayaman sa riboflavin. Ipinayo ni Dr Jang na pakainin ang mga bata ng maraming gulay at prutas o ang mga katas nito. Pakainin din sila ng makukulay na pagkain para sa balanseng nutrisyon. Maaari din namang kanin ang protina mula sa gulay tulad nang mula sa soybeans, ang taho at tofu.
The post MGA LUTUING KOREAN NA MASUSTANSIYA AT MADALING GAWIN appeared first on .