Isinapubliko ngayon ni City Mayor Baby Cataquiz ang kanyang plano na kumandidato bilang Punong Lungsod ng San Pedro sa darating na 2016 elections.
Ang pagdedeklara ay ginawa ni Mayor Baby sa ginanap na Flag Raising Ceremony ngayong umaga nang Lunes, ika-21 ng Setyembre 2015, sa City Hall grounds at sa harap ng mahigit 500 empleyado ng Pamahalaang Lungsod ng San Pedro at mga miyembro Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), at Bureau of Fire Protection (BFP) sa San Pedro. Masigabong palakpakan ang isinagot ng mga empledyo sa ginawang pagpapapahayag ni Mayor Baby.
Bagama’t hindi pa niya binanggit ang mga makakasama niya sa 2016 elections, hiningi ni Mayor Baby ang suporta ng bawat isa sa naisin niyang ipagpatuloy ang matino at mahusay na pamamahala ng City Government kahalintulad ng hangarin ng yumaong DILG Secretary Jesse Robredo.
Binigyang-diin ni Mayor Baby ang istilo ng kaniyang pamamahala na tumatahak sa tuwid na daan, na kaniya ring ginagamit sa mahabang panahon na humantong sa matagumpay na pamamahala ng kanyang pamilya at mga negosyo. “You will hate me, you will like me, and you may love me for being strict and pushy, but I am committed to get things done and accomplish what I have pledged to do for our city”, ang wika ni Mayora.
Ipinagmalaki ni Mayor Baby ang ilan sa kanyang mga mahahalagang proyektong nagawa niya sa loob ng dalawang taon, lalung-lalo na ang mga drainage at flood control projects sa halos lahat ng 20 barangay sa San Pedro bilang ng disaster preparedness program ng lungsod. Kasama rin dito ang mga infrastructure projects para sa edukasyon at kalusugan ng ating mga ka-lungsod, lalo na ang mga kapos at naghihikahos.
The post MAYOR BABY CATAQUIZ, TATAKBONG MAYOR MULI SA 2016 appeared first on .