Limampu’t-anim na magkakapareha ang magdiriwang ng Valentine’s Day 2016 bilang legal na mga mag-asawa. Ito ay matapos silang maikasal sa Kasalang Bayan ngayon (Pebrero 12, 2016) sa San Pedro Astrodome. Ang makasaysayang okasyong ito ng legal na seremonya ay pinamunuan ni City Mayor Lourdes “Baby” Cataquiz. Ayon kay Mayor Baby, ” Ang pamilya ay pundasyon para sa magandang kinabukasan.” Sinabi rin niya sa mga bagong kasal na maging matapat sa kanilang sinumpaan at bumuo ng pamilya na masaya at malusog.
“Ang pamilya ang basic social unit sa ilalim ng Konstitusyon ng ating Bansa. Kapag buo ang pamilya, at nagkakaisa ang lahat ng miyembro na pinangungunahan ng taimtim na pagtitiwala at pagkatakot sa Diyos, ang kasal ay ang simula ng inyong magandang kwento.” ani Mayora. Dumalo din ang ilang miyembro ng Team BOOOM HALAL pati ang ilang department head para maging sponsors sa bagong kasal.
Ang kahalagahan at bisa ng kasal ay di mapapasubalian ng anumang puwersa kung matatag at nababatay sa katotohanan, paggalang at kabutihang loob. Ito ay hindi sapilitan at walang panlilinlang, panggagamit o pagbabanta mula sa magkabilang panig. Sa kabuuan, ang tulong ng pamahalaan at ng iba’t ibang sector ng lipunan ay sumusuporta sa ikapagtatagumpay ng isang legal at moral na pamilya sapagka’t ito ang magsusulong ng pag-unlad ng sibilisasyon.
The post KASALANG BAYAN – FEBRUARY 12, 2016 appeared first on .